Currently feeling: Adventurous
Listening to: Stick Around by Azure
Ang Aking Pananaw sa Aking Ginagalawang Buhay
by Bryle Jay-R L. Cruz
Napakasarap isiping ako'y nabubuhay sa ibabaw ng ating ginagalawang mundo. Pero, karapat-dapat ba akong maging masaya sa aking nararanasan ngayon? Ano nga ba ang tunay na halaga ng buhay? Ito ba'y isang matamis na gunitain o kaya'y isang madilim na kahapon na dapat ibaon sa limot?
Sa bawat pagsikat ng araw sa ating bansa ay hindi mawawala ang samut-saring kaguluhan o krimen na nagaganap sa ating bansa. Siguro nga ay parte na ito ng bawat Pilipino na nakaririnig o nakababasa ng mga balitang katulad ng nakawan, patayan o kaya'y kaguluhan sa ating pulitika. Sabi nga ng ibang tao ay tinuturing na lang nila itong almusal sa umaga. E ano ba naman ang magagawa natin sa mga ito? Hindi naman tayo pwedeng gumawa o maghanap ng gaya ni Superman o kaya'y Batman para mapigilan ang mga ito. Talaga ngang maituturing natin ang ating bansa na bukod tangi sa mga bansa sa mundo.
Siguro nga at ako'y isang simpleng estudyante na nagsisikap at umaasang minsa'y malalampasan ang mga pagsubok na aking hinaharap at haharapin sa aking buhay. Maihahalintulad ko rin ang aking sarili sa isang halaman sa paso na hindi mabubuhay kung walang magdidilig at magaalaga sa akin. Pinili kong umpisahan ito sa mga problemang kinakaharap ng ating bansa dahil nais kong ibahagi ang aking pananaw sa aking buhay na puno ng pagsubok upang ako'y mahubog bilang isang tunay na tao. Sa pamamagitan ng mga ito, napatunayan ko sa aking sarili ang kahalagahan ng pamilya, kaibigan at determinasyon upang malampasan ang mga ito. Napakagaling talaga ng ating Diyos at naisip niyang gumawa at ipadama sa atin ang kahalagahan ng ating buhay. Aaminin ko na minsa'y naging mahina rin ako at sumuko pero ang nagpalakas sa aking loob ay ang mga taong nasa lansangan na kailangan pang mamalimos para lamang may pantawid sa kanilang gutom. Sabi ko sa aking sarili, kung sila nakaya nila, bakit ako hindi?
Nais kong tapusin ang sanaysay na ito sa pagsasabing, "Ang buhay ay puno ng kulay, nasa sa iyo na ito kung paano mo ito makikita." Siguro nga na ang buhay ng isang tao ay binigay upang ito'y tuklasin kung ano nga ba ang maibabahagi mo sa ibang tao na nangangailangan nito. Pero ako, masasabi ko na nasa oras pa lang ako na patuloy kong inaalam ang ibig sabihin ng aking buhay. Ikaw, alam mo na ba?
No comments:
Post a Comment